Pahuway, padayon.

Kamusta na ang Iska? Isang tanong na hindi ko masagot, nag-iisang tanong mula sa bibig ng nakararami.

Isang buwan na akong Iska, isang buwan na akong nakikipagsapalaran, at isang buwan na rin akong lumalaban. Tulad mo, hindi bago sa akin ang online setup ngunit parang hindi pa rin ako sanay kahit dalawang taon na tayong nag-aaral sa ganitong uri ng sitwasyon. Panibagong mundo, panibagong adjustments. College na ‘to eh! Para sa akin, ito ang tunay na laban. Ito ang magdidikta sa kung ano ang magiging tayo pagkatapos ng apat na taon.


Marahil ay marami ka nang naririnig na payo at maaaring ilan sa mga ito ay nagagawa mo na. Pero isa ka rin bang estudyanteng hindi pa rin alam kung bakit ka naririto? Kasi kung oo, pareho tayo! Hindi mo pa man alam kung ano ang purpose mo sa ating kurso ngunit narito ang mga tagubiling nais kong malaman mo. Halika, tuklasin mo ang aking mga bilin kung paano mo rin makakayanang harapin ang mga suliranin sa panibagong mundo.

Ang pagkakaroon ng coping mechanism ay makatutulong sa isang indibidwal lalo’t higit sa kagaya nating estudyante sa panahong ito. Kung halimbawa na ang gusto mo ay umiyak, mag-add to cart, o pumasyal sa tuwing nakararamdam ng pagod o istres, ibigay mo ito sa iyong sarili. Huwag mong ipagkait ang nais gawin ng iyong isipan o katawan. Ituring mo ito bilang reward nang sa gayon ay mapanatili mo ang iyong emotional well-being.

Una sa lahat, mahalagang matukoy mo kung saan ka dapat mag-aral at magpahinga. Malaking bagay ang pagkakaroon ng lugar para mag-aral, para mas makapokus ka. Hindi mo naman kailangan ng isa pang kwarto. Naalala ko ang kwento ng isa sa mga professors ko na mayroon siyang isang estudyante na tuwing nagkaklase ito ay nasa sahig. Kaugnay nito ay ang pag-oorganisa ng iyong mga gawain nang sa gayon ay nakikita mo ang progreso ng bawat task na iyong tatapusin. Mahirap kung nasa utak mo lamang ang mga bagay na kailangan mong gawin. Maisulat mo man lang lahat ng ito sa isang papel ay ayos na.

Ang larawan sa kaliwa ay ang aking study area at makikita naman sa gawing kanan kung paano ko isinasaayos ang aking mga kailangang gawin at tapusin. Pinananatili kong nakikita ko ang mga natapos ko nang gawain sapagkat nakatutulong ito upang masubaybayan ko ang aking proseso.

“Walang magbabangon sa’yo kun’di ang iyong sarili.”
Ang kasabihang palagi kong naririnig at kailanma’y hindi naging mali. Sa panahon ngayon, ang hirap humanap ng motibasyon upang magpatuloy. Parang lagi na lamang may kulang. Kung minsan pa’y nawawalan na rin ako ng dahilan upang iraos ang isang araw. Ngunit hindi – hindi maari. Naniniwala ako na kahit na maraming dahilan upang huminto, mas marami pa ring dahilan upang sumulong. Kaya’t lagi mong tulungan ang iyong sarili, alalahanin kung bakit ka naririto at handang magpatuloy sa kabila ng mga pagsubok.

Sa dami ng gawain, paaralan o tahanan, kung minsa’y hindi na natin napapansin ang epekto ng mga ito sa atin. Nangangayayat, kulang sa tulog o pahinga, wala sa tamang oras na pagkain, at marami pang iba. Ito ang madalas kong napapansin sa iba at sa sarili ko. Walang masama kung ang nais mo ay magpahinga lamang sa loob ng isang araw. Hindi naman nagmamadali ang mundo kaya’t iyong pakatandaan na sa bawat padayon (to continue) ikaw ri’y magpahuway (rest) nang sa gayon ikaw ay magkaro’n ng lakas upang bumangon.

Hindi ba’t kaya at kinakaya ko? Kung kaya’t walang duda na kaya mo rin! Pahuway, padayon mga Iskolar ng Bayan 💖💚

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started