I believe, kakayanin ko pa siguro

Sa loob ng halos dalawang taon na ako’y nag-aaral sa remote learning set up, kasama itong naunang buwan ko sa kolehiyo ay hindi ko pa rin magawang masanay. Hindi pa rin ako sanay sa dami ng workloads na ibinibigay sa amin linggo-linggo na sinasabayan pa ng mga personal na problema sa aming tahanan. Madalas din ay nakararanas ako ng writer’s block dahilan upang hindi ko matapos ang karamihan sa aking mga gawain. Sa katunayan ay habang pinipindot ko ang bawat letra sa keyboard ng aking laptop ngayon ay pa-recover pa lamang ako at iniisip na ilalaban ko ito.

Sa aking paglaban, hindi mawawala ang aking mga pinanghuhugutan ng lakas at mga sandata.

Unang-una rito ay ang pagkakaroon ng tulog kahit papaano. Wala man akong nasusunod na matinong iskedyul sa pagtrabaho ng aking mga gawain, lagi ko pa ring binibigyan ang aking sarili ng oras na matulog kahit kaunti sapagkat isa ito sa pinanggagalingan ng aking lakas sa araw-araw.

Pangalawa, kapag hindi na kinakaya ng aking utak ang lahat, ako’y nagpapahinga. Nagbabasa ako ng mga libro, fan fictions o di kaya’y nanonood ng mga pelikula at kdrama. Nagsusulat din ako ng mga kwento at gumagawa ng artworks.

Narito ang isang clip mula sa isa sa pinakapaborito kong pelikula na pinamagatang Soul.

Pangatlo, nilalagyan ko ang aking lamesa at mga board ng mga bagay, litrato at notes na nakapagbibigay sa akin ng motibasyon upang magpatuloy. Palagi rin akong nakikinig sa mga kanta na nakakapagpabuhay ng aking loob o kaya naman ay nakakasabay sa aking mood habang gumagawa.

Narito ang ilan sa mga paborito kong kanta na madalas kong pinakikinggan sa soundcloud.

Panghuli, binibigyan ko ang sarili ko ng reward. Bilang nakahiligan ko nang mangolekta ng photocards, madalas bumibili ako ng mga gustong-gusto ko kapag nakatapos ako ng mga gawain o kaya kapag bigo ako upang pampalubag loob sa aking sarili. Minsan naman ay art materials, mga bagong libro na babasahin o kaya pagkain ang ini-rereward ko sa aking sarili. Sa pamamagitan nito, gumagaan ang loob ko at parang naipararamdam ko sa sarili ko na “deserve ko to” kasi ginawa ko ang makakaya ko.

Sobrang nakakapagod man ang ganitong set up ng pag-aaral, sana’y ang bawat isa sa atin ay nakakapagpahinga pa rin at naaalagaan ang ating sarili para sa patuloy na paglalakbay at paglaban dahil I believe, kakayanin natin ito.

Pen pen de saraPen

Made with Canva

Ang pagiging isang manunulat, mapadyaryo, tebisyon, radyo o pelikula man ay kinakailangan na magtaglay ng mga kalidad at kasanayan na magagamit sa pagsulat.

Ang isa sa mga kalidad ng isang media writer na sa aking palagay ay dapat na pinakaunang taglayin ay ang pagkakaroon ng interes at pagmamahal sa tao. Bilang isang development communicator at media writer in training, ito ang dahilan kung bakit tayo sumusulat. Ang pagsulat natin ay para sa tao, magsilbing lakas ng kanilang mga boses upang maiparating ang kanilang mga hinaing, upang ang mga ito’y maipamulat sa ating lipunan at sa mga nanunungkulan kung ano ang nararapat na kanilang natatamasa.

Self Assessment: Qualities of a Media Writer

Sa mga kasanayan naman, ang pagkakaroon ng malinaw at epektibong pagsulat ng mga news story ang sa palagay kong isa sa pinakamahalaga. Ang malinaw at epektibong sulatin ay ang susi upang maiparating nang maayos ang paksa at maipaunawa ang nilalaman nito. Ang tungkulin ng isang media writer ay ang maglahad ng mga impormasyon sa masa kaya’t nararapat lamang na ang kasanayang ito ay kanyang taglayin at hasain.

Self Assessment: Skills of a Media Writer

Makikita sa binigay kong rating sa aking taglay na kalidad at kasanayan na marami pa akong kahinaan na dapat palakasin. Marami pa akong kalakasan na mas dapat pang hasain at pagtuunan ng pansin.

Liwanag sa Mausok na Karimlan

Made with Canva

Sa makapal na usok ng karimlan ay mayroong maririnig na mga tinig. Mga tinig na dapat nating mas palakasin at bigyan ng pansin. Mga tinig na may mga iniindang suliranin at mabibigat na pasanin.

Sa araw-araw na pamumuhay natin sa mga suliranin ng ating lipunan, ako’y napapaisip kung ano ba ang aking magagawa o maitutulong upang mabago ito. Ano ang magagawa ko sa paglutas sa mga problemang dulot ng kahirapan?

Siguro’y ang sagot sa matagal ko nang katanungan ay ang kursong tinatahak ko ngayon, ang Development Communication.

Noong una’y wala talaga akong alam patungkol sa kursong ito, akala ko rin ay katulad lamang ito ng mass communication ngunit malawak at malalim pala ang tunguhin nito. Sa loob ng tatlong linggo ay unti-unti kong nauunawaan na ito ay patungkol sa pagbuo ng at pagsasagawa ng pagbabago sa ating lipunan sa pamamagitan komunikasyon gamit ang iba’t ibang midyum.

Ang development communication ay hindi lamang patungkol sa pagpapahayag at pagkalap ng mga impormasyon, bagkus ito ay ang pagtulong sa paglutas ng mga suliranin at hinaing na kadalasan ay hindi naririnig. Ito ang ilaw sa mausok na karimlan.

Paroon

Made with Canva

Sa isang maliit na silid-aralan, mapapansin ang isang batang babae na tahimik lamang na nakikinig at nag-oobeserba. Kung magsasalita man o makikisali sa talakayan ng klase ay sa tuwing sa siya ay matatawag lamang ng kanyang guro. Isang araw ay natuklasan niya ang isang kakayahan at interes na makatutulong sa kanya upang maipahayag ang mga salitang hindi mailabas ng kanyang bibig, ang pagsulat.

Noong ika-6 na baitang, aking natuklasan na bukod sa sa sining ay mayroon din pala akong natatagong interes sa pagsulat kaya’t nagsimula ako sa pagsulat ng isang lathalain. Hanggang sa ako’y tumungtong ng ika-7 baitang, ako ay mapalad na nakapasok sa isang pangkat ng mga journalist sa ilalim ng programa ng aming paaralan. Habang tumatagal ay patuloy lamang ang aking pagtuklas, hanggang sa natuto akong sumulat ng mga kwento at iskrip.

Sa dalawang taon kong pag-aaral sa senior high school ay nagsimula na rin akong mangarap na maging isang scripwriter at direktor balang araw. Mayroon na rin akong mga naumpisahang plano ngunit para bang may ibang gustong paglaanan ng aking talento ang tadhana na kailangan ko pang alamin habang patuloy ako sa pagtuklas at pagbaybay sa malawak na karagatan hanggang sa marating ko ang nararapat kong paroonan.

Design a site like this with WordPress.com
Get started