Kabataang GMAnians, nangunguna sa community journalism

Halos dalawang taon nang umeere ang programang Balitang GMA sa Facebook page ng LGU General Mariano Alvarez, Cavite simula nang ipinalabas ang una nitong episode noong ika-27 ng Abril taong 2020, higit isang buwan matapos ideklara ang unang community quarantine sa bansa.

Ayon kay dating Public Information Officer (PIO) Derrick Ordoñez, layunin ng programang makatulong sa paglaban sa misinformation kasabay ng pandemya. May mga kaso kasi ng “fake news” na naitala sa bayan gaya ng mga maling pag-aanunsyo ng COVID-19 lockdown at ilang social media posts na kunyaring nagbebenta ng mga hulugang lupa.

Layunin din daw ng programa na bigyang pansin ang talento ng mga kabataan ng GMA pagdating sa pamamahayag. Sa ngayon, binubuo ang Balitang GMA ng dalawang anchor, apat na reporter, at tatlong miyembro ng technical team. Lahat sila ay mga mag-aaral mula sa iba’t-ibang kurso at paaralan.

Ayon naman sa mga residente at manonood ng programa, malaking tulong ang Balitang GMA para malaman nila ang mga totoong balita at impormasyon sa bayan.

Sa komento ni Mark Gubagaras, mamamahayag at manonood, sinabi niyang nakatutulong ang programa para mas matimbang niya ang mga nakukuhang impormasyon, lalo pa’t may iba’t-ibang bersyon nito sa social media.

Kaya naman, mas paiigtingan pa raw ng Balitang GMA ang pagtulong sa kampanya kontra “fake news” ngayong taon.  

Samantala, inaanyayahan naman ang mga residente na makiisa sa balitaan. Maaari nilang i-post ang mga video at picture ng mga kaganapan sa kanilang baranggay gamit ang #RondaGMA. Isasama rin sa Balitang GMA ang mga piling litrato at video galing sa mga residente.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started