I believe, kakayanin ko pa siguro

Sa loob ng halos dalawang taon na ako’y nag-aaral sa remote learning set up, kasama itong naunang buwan ko sa kolehiyo ay hindi ko pa rin magawang masanay. Hindi pa rin ako sanay sa dami ng workloads na ibinibigay sa amin linggo-linggo na sinasabayan pa ng mga personal na problema sa aming tahanan. Madalas din ay nakararanas ako ng writer’s block dahilan upang hindi ko matapos ang karamihan sa aking mga gawain. Sa katunayan ay habang pinipindot ko ang bawat letra sa keyboard ng aking laptop ngayon ay pa-recover pa lamang ako at iniisip na ilalaban ko ito.

Sa aking paglaban, hindi mawawala ang aking mga pinanghuhugutan ng lakas at mga sandata.

Unang-una rito ay ang pagkakaroon ng tulog kahit papaano. Wala man akong nasusunod na matinong iskedyul sa pagtrabaho ng aking mga gawain, lagi ko pa ring binibigyan ang aking sarili ng oras na matulog kahit kaunti sapagkat isa ito sa pinanggagalingan ng aking lakas sa araw-araw.

Pangalawa, kapag hindi na kinakaya ng aking utak ang lahat, ako’y nagpapahinga. Nagbabasa ako ng mga libro, fan fictions o di kaya’y nanonood ng mga pelikula at kdrama. Nagsusulat din ako ng mga kwento at gumagawa ng artworks.

Narito ang isang clip mula sa isa sa pinakapaborito kong pelikula na pinamagatang Soul.

Pangatlo, nilalagyan ko ang aking lamesa at mga board ng mga bagay, litrato at notes na nakapagbibigay sa akin ng motibasyon upang magpatuloy. Palagi rin akong nakikinig sa mga kanta na nakakapagpabuhay ng aking loob o kaya naman ay nakakasabay sa aking mood habang gumagawa.

Narito ang ilan sa mga paborito kong kanta na madalas kong pinakikinggan sa soundcloud.

Panghuli, binibigyan ko ang sarili ko ng reward. Bilang nakahiligan ko nang mangolekta ng photocards, madalas bumibili ako ng mga gustong-gusto ko kapag nakatapos ako ng mga gawain o kaya kapag bigo ako upang pampalubag loob sa aking sarili. Minsan naman ay art materials, mga bagong libro na babasahin o kaya pagkain ang ini-rereward ko sa aking sarili. Sa pamamagitan nito, gumagaan ang loob ko at parang naipararamdam ko sa sarili ko na “deserve ko to” kasi ginawa ko ang makakaya ko.

Sobrang nakakapagod man ang ganitong set up ng pag-aaral, sana’y ang bawat isa sa atin ay nakakapagpahinga pa rin at naaalagaan ang ating sarili para sa patuloy na paglalakbay at paglaban dahil I believe, kakayanin natin ito.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started