Gumising ka!

Pinagpasyahan kong simulan itong aking blog sa pamamagitan ng isang tulang isinulat ko. Ito ay upang mapagtanto mo ang tunay na kalagayan ng ating kalikasan ngayon. Nais kong tanungin mo ang iyong sarili kung sa mga malilit bang mga bagay tulad ng pagtatapon ng mga basura sa tamang basurahan, pagsunod sa mga alituntunin sa inyong komunidad, at tamang pag-segragate ng mga basura, mayroon ka pa rin bang disiplina?

Bilang isang kabataan, isa sa mga pinahahalagahan ko ay ang ating kalikasan sapagkat naniniwala ako na ito’y isa sa ating mga yaman. Para sa akin, ang pagkakaroon ng isang malinis at maayos na kapaligiran ay isang puhunan tungo sa pagkamit ng maganda at malusog na kinabukasan. Kaya naman, hindi na ako nagdalawang isip pa kung ano ang nais kong tatalakayin sa aktibidad na ito.

Photo Courtesy of City Tourism & Cultural Heritage Development Office of Sto. Tomas, Batangas

CITY OF SANTO TOMAS. Ang kinabibilangan kong komunidad ay hindi nawawalan ng suliraning pinansiyal, kalusugan, kalikasan, at marami pang iba. Sa pagdaan ng maraming taon, patuloy ang paglaganap ng mga ito. Kahit na paunti-unting nabibigyan ng solusyon ay tila walang katapusan ang kanilang pag-iral. Aking napansin na ang problema sa basura ang pinakamahirap wakasan sapagkat kaakibat nito ang disiplina ng mga mamamayan. Patuloy na paggamit ng mga plastik, maling pagsasaayos ng basura, at pagtatapon ng mga basura sa mga ilog o kanal ay ilan lamang sa aking naobserbahan dito sa Santo Tomas.

Ika-7 ng Setyembre 2019 nang maging ganap na lungsod ang Santo Tomas. Maraming mga oportunidad ang naging bunga ng pagiging isang lungsod nito. Isa na rito ang pagtatayo ng mga iba’t ibang establisyemento at negosyo. At dahil naging uso rin sa panahon natin ngayon ang milk tea and coffee, marami ang mga nagsulputang negosyo. At ano ang kadalasang ginagamit ng lahat upang makuha ang mga boba pearls, coffee jelly, nata de coco, at iba pang mga sinkers? STRAWS! Single-used plastic straws.

Nabibigyan man ng solusyon, kulang pa rin ang aksiyon.

Photo Courtesy of JCI Sto. Tomas Batangan

RICE STRAW. Sapagkat ang paggamit ng single-used plastic straws ay hindi makatutulong sa ating kalikasan at makadaragdag lamang ito sa plastic pollution, minabuti kong talakayin ang paksa tungkol sa paggamit ng edible rice drinking straw bilang isang alternatibo sa plastic straws. Sa pamamagitan nito, maaaring magkaroon ng sapat na kaalaman ang kinabibilangan kong komunidad tungkol sa paggamit ng mga iba’t ibang eco-friendly na mga bagay tulad ng Rice Straw. Kung ito rin ay pagtutuunan ko ng pansin, malaki ang maitutulong ng aking paksa upang unti-unting mabawasan o mawakasan ang problema sa kalikasan dito sa aking komunidad.


Ako, bilang isang kabataang may pakialam at malasakit sa kinabibilangan kong komunidad at mundo, nais kong maipamalas ang pagpapausbong ng pagpapahalaga sa ating kalikasan. Gising mga kabataan! Gising buong sambayanan! Huwag nating ubusin ang nakikitang luntian sa kapaligiran. May pagkakataon pa para isalba ang mga ito. Maliit man o malaking aksiyon ang ating gawin, tayo pa rin ay may tungkulin – tungkuling panatilihin ang kagandahan at kaayusan ng ating kalikasan.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started